Bakit Mahalagang Tangkilikin ang Wikang Pilipino?

Bawat araw, lumalaki ang pangangailangang matuto tayo ng wikang Ingles. Patuloy na lumiliit ang mundo dahil sa dumadaling paglalakbay sa pagitan ng mga bansa, at patuloy na dumadami ang ibayong kalakal na pumapasok sa ating bansa. Dahil dito, marapat lamang na hasain natin ang pananalitang banyaga.

 

Ganumpaman, sa konteksto ng lumiliit na mundo at ng lumalagong ibayong kalakal, higit pang mahalaga na pagyamanin natin ang kaalaman natin sa wikang Pilipino. Tumitingkad ang pangangailangang maging hiyang tayo sa sariling wika hindi lamang upang mangusap, ngunit dahil ang ating wika ay sisidlan ng ating mga pagpapahalaga, kasaysayan, at kultura—mga bagay-bagay na hindi nahuhuli ng payak na pagsasalin sa ibang wika. Kung tayo’y makikitao sa ibang lahi at kultura, ang ating pagpapakilala sa sarili at sa bayan ay maaayon sa mga ito.

 

Napaka-ganda ng ating wika. Gumagamit ito ng mga salitang nabuo mula sa diwa ng katotohanang Pilipino. Bilang pagpapahiwatig ng kagandahang ito, at bilang patunay ng halaga na matutunan natin ang wika, pagnilayan natin at himayin ang ilang salitang Pilipino:

 

Talinhaga. Isang salitang nagmumula sa ugat na “Taling Hiwaga.” Nagpapahiwatig ito ng pagsasama-sama ng mga hiwaga sa pangungusap. Nagpapahiwatig din na ang ibig ipakahulugan ay higit sa natatanging ibig sabihin ng bawat salita.

 

Hanap-Buhay. Isang salitang sinasalin nang payak upang mangahulugang “trabaho,” ang tunay na kahulugan nito ay tumutukoy sa saysay ng ating bawat galaw. Ang pagkaabala sa Hanap-buhay ay literal na paghahangad at pagsisikap para sa makubuluhang buhay. Ang trabaho, pera, at gawain ay bahagi lamang ng kabuuan na ginagabayan ng paglago, pag-asa at pakikipag kapwa-tao.

 

Bukas, ang salitang tumutukoy sa susunod na araw. Palitan lamang ang bigkas, nagiging salitang tumutukoy sa kabaliktaran ng pagiging sarado. Nagpapakita ng magandang pananaw ng Pilipino tungkol sa hinaharap, bukas sa pagbabago at pag-asa.

 

Tahanan, na sinasalin nang payak upang mangahulugang “bahay.” Ngunit higit na mayaman sa simpleng gusali lamang, pinapahiwatig ng Tahanan ang pananaw ng Pilipino sa lugar na ating inuuwian: isang lugar kung saan tayo tumatahan. Kung saan tumitigil ang pag-iyak. Kung saan napapawi ang sakit at paghihirap. At kung saan matatagpuan ang pamilya at kapwang kakalinga.

 

Pagdiwang. Isang salitang tumutukoy sa pagsasaya. Nagmumula sa ugat na “diwa,” na nagpapahiwatig ng ating kulturang nagbibigay-halaga sa dahilan ng pagsasaya. Isang pagkilala sa ating mga pagpapahalaga, pangarapin, at pagsusumikap bilang bayan.

 

 

Ang Wikang Pilipino ay Talinhaga ng ating paghaHanap-Buhay. Ito ang Talinhaga ng ating pagtanaw sa Bukas—ng ating paghahangad sa isang Tahanan. Ito ang pagsasamo ng ating mga paghihirap, pagsusumikap, at pag-asa; ang siyang nakahuhuli at nangungusap sa kabuuan ng ating pagka-Pilipino. Ang Wikang Pilipino ay ang ating Pagdiwang sa ating katauhan; kung wala ito, nawawala rin ang ating kabuluhan bilang lahi at bayan.

 

Kilalanin natin ang ating sarili. Kilalanin natin ang ating wika.

1 Response to “Bakit Mahalagang Tangkilikin ang Wikang Pilipino?”


  1. 1 _gene

    Habang nagbabasa ako, parang ibang linggwahe ang binabasa ko. Malalim ang ibang salita. Mga salitang ngayon ko na lamang muli nabasa. Pero palagi akong natutuwa kapag may dalawang pinoy na nag-uusap sa harap ng isang banyaga sa wikang pilipino. Nagpapatunay na matalino tayong mga Pilipino. Naiintindihan natin ang mga banyaga, pero sila, hindi nila tayo naiintindihan.

    At natuwa ako doon sa “Bukas”. Kasi tuwing mag-isa ako, nag-iisip ako ng dalawa o mahigit pang salita sa ingles na kapag sinalin sa tagalog, ay isang salita lamang.

    Napansin kong nahirapan akong buuin ang komentong ito. Marami ng salita ang pinaikli ng panahon. Tulad ng, “lamang”. Kung gamitin ito madalas ngayon ay “lang”.

    Kailangan talaga nating mahasa pa nang lubusan, muli, sa paggamit ng Wikang Pilipino.

Leave a Reply